PERA
Ano nga ba ang Pera? Gaano ito kahalaga sa buhay ng isang tao? Sukatan nga ba ito ng katanyagan at tagumpay ng isang tao? O isa lamang itong palamuti ng buhay na walang kinalaman sa iyong pagkatao at sa pagtubo ng puting buhok sa ulo mo?Pera. Isang salitang palagi mong maririnig sa pang araw araw na buhay. Mayaman, mahirap, lalaki, babae, bakla, tomboy, bata, matanda, may pinag aralan o wala, iyong maririnig sa kanila ang salitang ito, "PERA". O kahit ikaw na bumabasa nito, maaring nasambit mo rin itong salitang ito noong binasa mo ang title ng blog na 'to.
Ang tradisyunal ng barter system ng sinaunang panahon |
Iba't ibang uri ng barya |
Naalala ko ang minsang nasabi sa akin ng aking kaibigang si Bart habang kami ay nakatanaw sa mga taong nasa ibaba ng PUP Building mula sa ika-5 palapag ng corridor na aming pinagtatambayan na ang bawat tao daw ay walang iniisip kundi Pera. Mga studyanteng nagmamadaling pumasok baka mahuli sa iskwela, mga propesor o titser na hindi yata nagkakasakit at laging present sa klase, mga empleyado at mga negosyante o simpleng vendor ng " takatak" sa kalye, o maging ang isang batang pulubing nakatanaw sa bawat dumaraang seksing babae. Lahat sila, ang iniisip daw ay pera. Kung papaanong magkakapera, magkano ang magiging pera at kung kailan magkakapera. Oo nga naman, sino ba sa atin sa ngayon ang ayaw ng "pera"? Ikaw ayaw mo ba?
Natural sa tao ang maghangad ng pera lalo na sa nakakahilong takbo ng mundo natin sa ngayon. Ang iba nga todo kayod sa trabaho na parang wala ng balak umuwi ng bahay para lamang maging malaki ang maiuwing pera sa araw ng sahuran o sweldo. Habang ang mayayaman ng mga negosyante ay halos tumira na sa loob ng conference room upang pag mitingan kung paano pa mas mapapalawig ang negosyong kanilang naipundar. Ang iba, nagtitiis na mapalayo sa mga mahal sa buhay at maghanap buhay sa ibang bansa upang kumita ng mas malaking pera. 'Yung iba naman, parang regular ng kasali sa bawat pila ng mga game shows sa pag asang mapili at manalo ng mga papremyo. At iyong iba naman, nakukuntento na lang sa kung ano at magkano ang darating sa katapusan o sa year end bonus. Kaya't masasabi nating pera ang isa sa mga kailangan ay mayroon ka sa makabagong pahanon na ito. Sa panahon na kung saan ang dating libreng tubig mula sa batis at ilog, ngayon ay halos katumbas na o mas mahal pa sa presyo ng isang kilong isda sa mercado.
Ngunit papano kung hindi sapat ang perang hawak mo para sa mga pangangailangan mo?
Sa hindi maipaliwanag na kadahilananan at walang kinalaman ang Seyensya at Agham, dumarating sa buhay ng tao ang oras ng kagipitan o kakulangan sa pera. Nagkasakit ang anak, magulang o kapatid, namatayan, nasunugan, binaha at tinangay ang isang malaking safety vault sa bahay, o nilindol at nilamon ng lupa ang buong kabahayaan. Ang tawag po dito ay mga biglaan o hindi inaasahang pangyayaring nagdudulot ng kakapusan at matinding pangangailangan sa pera. At sa ganitong sitwasyon, kadalasan ay biglaang solusyon ang kailangan. At kung wala ng perang mahiram sa mga kaibigan dahil halos ikaw na ang umubos ng savings nila. At kung hindi ka makautang sa bangko dahil hindi ka naman kwalipikado, wala ka ng ibang maiisip kundi ang lumapit sa mga "super heroes to the rescue" na s'yang mastermind sa pag sikat ng dalawang pinaka tanyag na numero sa mga panahong ito, ang "5-6" o ang pag utang ng kakarampot na halaga at pagbabayad ng walang katapusang interest hanggat hindi bayad ang principal. Kung kaya't dahil dito, may mga ibang taong mas pinili na lamang ang magnakaw, manloko ng ibang tao at pumatay. Ngunit para sa mga hindi kayang gawin ito, mas pinipili nila ang isa pang option, ang "magsugal".
Masasabing isa sa pinakamabilis na paraan upang dumami ang pera ay ang pagsusugal. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Dahil katulad din ng pagsikat ng araw sa silangan, ang mga panalong naiuwi mo at nakamit ay maaaring matangay at mawala sa paglubog ng araw sa kanluran. Pwera na lamang kung lubhang matalino ka at para kang nag hit and run. Ngunit sabi nga nila, wala daw yumayaman at nananatiling mayaman sa sugal. Maliban na lang siguro kung nanalo ka sa lottery at pinangalagaan mong mabuti ang biyayang iyong nakamit.
Katulad ng mga pamimiliang nabanggit sa itaas, minsan ko na ring pinasok ang isa sa mga ito, ang "sugal". Mula sa simpleng tong-its habang nagkakape sa lamay, hanggang sa makarating ako at sumubok sa isang pasugalang libre ang pagkain at inumin. Sa "Casino". Ayon nga sa kaibigan kong si Jhun, CASh IN Only daw ang pinaka simpleng ibig sabihin nito. At gaya ng iba, dahil din sa pangangailangan sa pera kung bakit hinila ako ng aking mga paa patungo sa dambuhalang gusaling ito. At gaya din ng iba, nakatikim din ako ng kakarampot na panalo mula dito. Beginner's Luck daw ang tawag dito. Masarap sa pakiramdam ang biglaang pagkakaroon ng perang halos isang buwan mo pa dapat paghihirapan. Pero syempre, tulad ng mga Telenovela, hindi magiging exciting ang kwento kung walang kontrabida, ang walang kakupas-kupas na "problema". Dahil sa pangangailangan sa pera, muli akong hinila ng mga alagad ng dyablo upang bumisita sa loob ng kanilang templo, ang Casino. At dahil sa pag aakalang mananalo ako ulit kagaya noong una, aba sympre hindi na ako nagpakipot pa at hinayaan kong tangayin ang mga paa ko patungo sa bahay ng pag asa. Ngunit sa kasamaang palad, ang nanalo ay sila.
Tunay ngang masyadong malaki ang nagiging impluwensya ng PERA sa pag iisip at mga desisyong ginagawa ng tao. At kadalasan, parang dinaig pa ang apelyido ng tao upang gamiting pagkakakilanlan nito. Pag may pera sikat. Ngunit pano naman kaya kung hindi nauso ang pera? May mga pulitiko kayang magpapatayan para lamang maluklok sa pwesto? Mauuso rin kaya ang pagkarami-raming partido? Naging pangulo kaya ng mga bansa ang mga Presidente sa ating kasaysayan? Mas naging maayos kaya ang buhay ng bawat tao? Ikaw, ano sa tingin mo?
Ngunit ito ang katotohanan, kailangan natin ng pera para mabuhay. Kung kaya naman lahat ng paraan ay ating gagawin magkapera lang. Ngunit hindi ito sapat na batayan upang hayaan nating ang pera ang magpatakbo sa ating mga pamumuhay. "We earn for a living" ika nga, at hindi "we live for the earning" Sana dumating ang panahon na ang bawat isa ay may sapat na kakayahang makamit ang bawat bagay na kanilang nais na hindi na mangangailangan pa ng PERA. Ikaw? May pera ka ba d'yan?
Money is just a man made thing, and not a thing that makes a man
No comments:
Post a Comment