Pages

Amalayer Syndrome

Halos ulanin ng katagang Amalayer ang aking Facebook Wall nitong mga nagdaang araw. Sa kung anong kadahilan, ay hindi agad naabot ng aking kaalaman.

Pag uwi ng bahay ng gabing iyon, aking sinaliksik kung ano nga ba ang ibig sabihin ng Amalayer. At ang sagot na naibigay sa akin ng aking kaibigang si Mr. Google, ay isang video ng isang babaeng estudyante na galit na galit sa isang babaeng gwardya sa isang istasyon ng tren sa Santolan.

Sa unang panonod ko pa lamang ng nasabing video ay hindi ko na lubos na nagustuhan ang mga aksyon at pananalita ng babaeng animo'y nasa isang teleserye habang ini- ingles ang bidang babae ng soap opera. Kung hindi mo napanood ang mga eksenang nabanggit sa itaas, nasa ibaba ang kopya ang video.
 

Sa eksenang ito, na halos wikang ingles ang mga nasambit ng babaeng estudyante, kanyang ipinangalandakan na siya umano ay may pinag aralang tao. Hindi naman siguro nakapagtataka sapagkat nakasuot siya ng uniporme at kulay puti pa. At ang lubos na ikina-dismaya ng madla ay ang kanyang pag asta at pananalita sa babaeng gwardya. Bagay na parang isang napaka importanteng isyu ng gobyerno na tinuligsa hindi lamang ng mga Filipino kundi pati na mga banyagang nakapanood nito.

Subalit kung ating iisiping mabuti, tama ba na ating sirain ang buhay ng isang tao dahil lamang isang pagkakamaling nagawa nito? 

Pagkatapos ng nasabing insidente, parang computer virus na kumalat ang nasabing video at may mga ilan pa ngang gumawa ng kanilang sariling version ng nasabing eksena. At halos pagbuhusan pa ng panahon ng ibang tao ang pagsasaliksik sa buhay ng babaeng estudyante para lamang makagawa ng isang account sa Facebook at Youtube  o iba pang social media na kung saan ay halos sampalin at yurakan ng husto ang pagkatao ng nasabing persona. May mga ilan pa nga na hindi na maiwasang maging paborito ang katagang Amalayer at gamitin ito sa kanilang pang araw araw na pakikipag konbersasyon na parang parte na ito nga bokabularyong pilipino. May mga ilan pa ngang nakagawa ng ilang version ng mga katagang ito at gamiting pamalit sa mga salitang ingles na nagsisimula sa "I am". Ngunit ang pinakamasaklap nito ay ang pagsulpot ng mga video at iba pang personal na detalye tungkol sa babaeng bida at tumabo ng takilya.

Hindi ipinagbabawal ang magbigay ng komento sa isang pangyayaring lubos na hindi kaaya-aya. Karapatan ng bawat tao ang mabigay nito. Subalit ang bawat bagay ay may kanya-kanyang limitasyon.

Maaring hindi natin nagustuhan ang mga eksenang napanood. Maaring lubos tayong nakaramdam ng pagkainis o pagka-awa sa kung sino man ang involved sa nasabing eksena. Ngunit ang tumuligsa ng kapwa na halos sirain na natin ang buong buhay nito ay hindi ba't lubos na hindi kaaya-aya kumpara sa mga aksyong ginawa ng babaeng ating tinutuligsa? Sapat bang sirain ng bawat tao ang buong imahe at kinabukasan ng isang taong nagkamali ng kanyang asta at pananalita sa loob ng 1 minutong video na iyong napanood sa itaas? Sapat bang pahirapan ang mga damdamin ng mga kaibigan, kapatid, magulang at kaanak ng babaeng ito ng dahil lamang sa isang minutong video na napanood mo? Ikaw kaibigan, naisip mo ba kung ano ang mangyayari sayo kung ikaw ang nasa katayuan ng babaeng bida sa topic na ito?

Maging responsable sana tayo sa bawat bagay na ating gagawin at sasabihin lalo na at alam naman natin na sa modernong panahong ito ang bawat bagay na sabihin mo kay Juan ay maaaring sa isang iglap ay makarating na rin agad kay Pedro at mapanood ng buong mundo.



Ang mga katagang nagamit sa itaas ay pawang base lamang sa opinyon ng manunulat at base lamang sa naging takbo ng titik ng kanyang panulat - Mongol


No comments:

Post a Comment